Babae, nilapa ng alagang pit bull

Isang babae sa Michigan, U.S ang natagpuang patay matapos umanong lapain ng isa sa dalawa niyang alagang pit bull, ayon sa pulisya.

Wala ng buhay nang makita ng awtoridad ang 41-anyos na si Brandy Joy O’Dell sa kanyang bahay sa Bay City noong Biyernes.

Ayon sa autopsy na inilabas noong Linggo, ikinasawi ng biktima ang mga natamong kagat mula sa isa o higit pang alagang aso.


Inalis na sa bahay ang dalawang aso na kinumpirmang pit bull, ayon kay Craig Goulet, supervisor ng Bay County Animal Services and Adoption Center.

Hindi naman umano masabi ni Goulet kung ano ang pag-uugali ng mga aso o kung agresibo ba ang mga ito.

Sa ngayon, naka-quarantine ang dalawang aso at hindi pa raw sigurado kung anong gagawin sa mga ito.

Nangyari ang insidente ilang araw makalipas nang may mapaulat ding 4-taon gulang na batang nilapa ng pit bull na inaalagaan ng kanyang mga magulang sa Detroit.

Facebook Comments