Babae, patay matapos barilin ng live-in partner na pulis sa Digos City, Davao del Sur; ina ng biktima, sugatan matapos matamaan ng bala

Patay ang isang 30-anyos na babae matapos barilin ng kanyang live-in partner na pulis sa gitna ng mainit na pagtatalo.

Nangyari ang insidente sa kanilang inuupahang bahay sa Barangay Zone 3, Digos City, Davao del Sur, bandang alas-8:40 ng gabi, Agosto 31.

Ang suspek ay nakilalang si Patrolman Orland Dinoy, isang 30-anyos na police officer na nadestino sa Hagonoy Municipal Police Station.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, lasing ang suspek nang umuwi sa kanilang inuupahang bahay kasama ang kanilang anak.

Dito na nagkaroon ng pagtatalo ang mag-partner hanggang sa kinuha ng suspek ang kanyang armas at binaril ang live-in partner na agad na binawian ng buhay.

Samantala, natamaan din ang 50-anyos na ina ng biktima habang nasa lugar, na agad namang dinala sa Davao del Sur Provincial Hospital.

Agad namang rumesponde ang mga pulis mula sa Digos City Police Station at naaresto ang suspek na tumangka pang tumakas.

Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo ng krimen.

Sinubukan ding kunin ng DXDC News Team ang panig ng suspek ngunit tumanggi muna itong magbigay ng pahayag.

Facebook Comments