Babae, patay matapos saksakin ng ‘higit 50 beses’ ng live-in-partner

517
PEXELS

PAMPANGA – Natagpuang patay at tadtad ng higit 50 saksak ang isang babae sa Brgy. Sapas Biabas sa lungsod ng Mabalacat nitong Miyerkoles ng gabi. Ang suspek, mismong live-in-partner ng biktima.

Ayon sa isang kapitbahay, narinig nilang nag-aaway ang dalawa matapos ang isang inuman.

Kaagad silang humingi ng tulong sa mga kawani ng barangay dahil lumalala raw ang pagtatalo ng biktima at suspek.

Nang makarating ang mga awtoridad sa bahay ng dalawa, bumungad sa kanila ang duguan at wala nang buhay na katawan ng biktima.

Ayon pa sa pulisya, nakausap mismo ng mga tanod ang suspek at tinanong nila kung nasaan ang kaniyang live-in-partner. Pagkaturo raw ng salarin sa kanilang tirahan ay mabilis itong tumakas.

Nakuha sa crime scene ang kutsilyong ginamit sa pagpatay.

Naaresto naman ang lalaking live-in-partner dahil bumalik ito sa pinangyarihan ng krimen.




Matinding selos ang nakikitang dahilan ng pulisya sa likod ng karumal-dumal na pagpaslang sa hindi pinangalanang biktima.

“Kasi kung hindi matindi ang galit mo hindi aabot ng 53 na saksak ang ibibigay mo sa isang tao,” ayon kay Police Lt. Col. Ed Guevarra, hepe ng Mabalacat City Police Station.

Nahaharap ngayon ang lalaki sa kasong murder.

Facebook Comments