Ikinasawi ng isang babae ang pagsali sa paramihan ng makakaing cake na bahagi ng pagdiriwang ng Australia Day nitong Linggo.
Nagkaroon umano ng seizure ang 60-anyos biktima habang nakikilahok sa paligsahang ginanap sa isang hotel sa Hervey Bay, Queensland, ayon sa NBC News.
Sa salaysay ng mga saksi, kapansin-pansing nahihirapan ang kalahok nang isiniksik niya sa bibig ang isang lamington, tradisyonal na Australian-cake na binalot ng tsokolate at kinayod na niyog.
Binigyan ng CPR at naisugod pa sa ospital ang biktima ngunit namatay rin kalaunan.
Naglabas naman ang Beach House Hotel sa Facebook ng mensahe ng pakikiramay sa mga kaibigan at pamilya ng babae.
Sikat ang mga eating competition tuwing Australia Day.
Nakapag-uuwi ng premyo ang mga kalahok sa paramihan ng pagkain ng cake, pie, hotdog at iba pa.