Babae, patay sa isang sipsip ng wine na hinaluan ng ecstasy

Nagbabala ang awtoridad sa Belgium matapos na isang babae ang mamatay sa isang sipsip lang ng wine na kontaminado ng drogang MDMA.

Binawian ng buhay ang hindi pinangalanang 41-anyos na babae makaraan ang limang araw mula nang mawalan ng malay dahil sa ininom noong Disyembre.

Naniniwala ang piskalya na nilagyan ng drug traffickers ang inumin ng mataas na dosis ng drogang kilala rin sa tawag na “molly” o “ecstasy”, ayon sa ulat ng CNN.


Ayon sa kapatid ng biktima, hindi gumagamit ng iligal na droga ang babae at nakaisang sipsip lamang siya ng alak dahil umano sa pangit na lasa nito.

Hindi naman malinaw kung paano napunta sa biktima ang inuming nakalagay sa botelyang nanggaling sa Dutch company na Black & Bianco.

Courtesy: Belgian Public Prosecution

Noong Miyerkules, naglabas ng pahayag ang nasabing winemaker na ikinagulat nila ang balitang ginamit ang bote nila ng Merlot-Cabernet Sauvignon.

Ngunit lumutang sa imbestigasyon, batay sa ulat ng BBC, na nagtatrabaho ang pumanaw na babae sa tindahang nagbebenta ng mga produktong kinumpiska ng federal finance service ng Belgium.

Ayon sa mga ulat, isang tao rin noong 2017 ang nagkasakit matapos uminom ng wine mula sa parehong tindahan.

Pinabulaanan naman ito ng finance ministry at iginiit na hindi na nagbebenta ang tindahan ng mga pagkain at inumin at ipinagbabawal din ang pag-uwi ng mga kinumpiskang produkto.

Mariing paalala ng awtoridad sa publiko na huwag uminom mula sa parehong bote na binuksan na o naiangat na ang cork.

Facebook Comments