FRANCE – Patay ang 32-anyos na ginang matapos mahulog mula sa umaandar na roller coaster sa Parc Saint-Paul noong Hulyo 4, Sabado.
Sa report ng The Sun, ipinagdiriwang noon ng hindi kinilalang biktima ang kaarawan ng kanyang anak kasama ng kanyang asawa’t ina nang mangyari ang insidente.
Ayon sa saksi na si Farida, hinihintay niya noon ang kanyang mga anak na sumakay sa carousel nang makarinig siya ng sigaw at makita ang buong pangyayari.
Kwento niya, nakita niya pa kung paano hawakan ng mister ng biktima ang paa nito nang mahulog sa extreme ride ngunit hindi ito nagtagumpay.
Saad naman ng isa pang nakakita, mismong ang kanyang anak ay nasa naturang ride at nasaksihan niya kung paano nahulog ang babae.
Agad daw siyang nagtungo sa pinangyarihan ng insidente kung saan nakita niya ito nakahilata at naliligo sa sariling dugo.
Sabi niya, “I came closer and saw a bloody woman at the foot of the roller coaster.”
Samantala, naiulat naman na hindi ito ang unang pagkakataong nangyari ang insidente.
Taong 2009 nang masawi ang 35-anyos na babae matapos atakihin sa puso nang mahulog sa parehong sakayan.
Hindi raw pinanagutan ng parke ang aksidente nang ipag-utos ng mga pulis na ang nangyari ay resulta ng “inappropriate behavior” ng biktima.
Ngunit taong 2007, nasentensyahan ng apat na buwang pagkakakulong at pinagbayad ng malaking halaga ang direktor ng park dahil sa pinsalang dulot ng mga nangyaring insidente.
Patuloy namang iniimbestigahan ng awtoridad ang trahedya sa naturang parke na binibisita raw ng 380,000 katao kada taon.