BABAE SA LIKOD NG SCHOLARSHIP PRANK VIDEO, TINURUAN NG LEKSYON

Kinondena ng National Council on Disability Affairs Sub-Committee on Access to Justice and Anti-Discrimination ang isang video na ginawang katatawanan ang mga Persons with Disability o PWDs habang tinuruan naman ng leksyon ang isang babaeng nasa likod nito mula sa Mallig, Isabela.

Ito ay matapos gumawa ang dalaga ng nauusong scholarship prank video kung saan umakto siyang mag-aapply para sa isang scholarship at kukuha ng simpatya sa pamamagitan ng pagsasabi ng kasinungalingan sa taong prina-prank.

Sa naturang video na ngayon ay binura na ng facebook, pinasunod ng babae ang kanyang lolo at lola na gayahin ang pananalita at kilos ng isang PWD pagkatapos ay pinagtawanan ang mga ito.

Sinabi din ng dalaga sa video na ang mga ito ay gumagamit umano ng iligal na droga para makakuha ng simpatya para makuha sa pekeng scholarship.

Sa nakuhang impormasyon mula sa Cagayan Public Information Office, ang video ay hindi umano ikinatuwa ni Amalia Decena, President ng Handicapable Association of Cagayan at Regional Coordinator ng Disability Affairs, ang tinuran ng dalaga sa video na kinukutya ang mga PWDs para lamang sa isang katuwaan.

Ayon kay Decena, paglabag sa batas ang paggawa ng katatawanan sa mga taong may kapansanan.

Dahil dito, nakipag-ugnayan siya agad sa lokal na pamahalaan ng Mallig upang mabigyan ng leksyon ang babae sa likod ng video.

Matapos tawagim ang atensyon ng babae, humingi ito ng paumanhin sa publiko dahil sa nagawa.

Bilang leksyon, pinatawan ng curfew at restrictions ang babae. Susubaybayan din siya ng mga barangay officials at Municipal Social Welfare and Development Office

Samantala, napag-alamang pasok din umano ang ginawa ng babae sa cyber bullying matapos idulog ni Decena ang kaso sa Commission on Human Rights (CHR) at sa National Bureau of Investigation (NBI).

Batay sa Republic Act 9442 o ang Magna Carta for Persons with Disability, ipinagbabawal ang panggagaya, pangungutya o gawing katatawanan ang anumang uri ng kapansanan at ang sinumang lalabag ay may kaukulang parusa na maaaring makulong mula anim na buwan hanggang anim na taon, o pagmumultahin ng P50,000 hanggang P200,000.

Facebook Comments