BRONX, New York – Nauwi sa pagkaparalisa ang isang 49-anyos na babae matapos umano itong sakalin ng kanyang nobyo dahil sa hindi makatwirang selos.
Ayon sa law enforcement source, nagsinungaling sa pulisya ang suspek na si Armando Cruz, 57, na nagsabing siya ang tumawag sa 911 matapos niya umanong maabutang walang malay sa kanilang tinutuluyang apartment ang kinakasamang si Julissa Henriquez.
Sa pahayag ni Henriquez sa mga doktor ng Jacobi Medical Center kung saan siya nagpapagaling, naikwento niya ang buong pangyayari sa pamamagitan ng sulat.
Bagamat hindi na magawang makapagsalita ay naisalaysay niya ang nangyari noong madaling araw ng Pebrero 2 sa loob umano ng kanyang apartment.
Aniya, nagkaroon sila ng pagtatalo ni Cruz dahil umano sa selos nito.
Bigla na lamang daw siyang hinila ng nobyo mula likuran at saka itinulak sa sahig.
Dito na siya umano sinakal ng nobyo nang upuan siya nito sa likod na nauwi sa pagkabasag ng kanyang vertebrae o maliliit na buto sa leeg na nakapinsala ng kanyang lalamunan.
Matapos ng krimen ay nawalan daw ng malay si Henriquez at makalipas ang ilang minuto, nagising siya at hindi na umano niya maigalaw ang kanyang katawan at hindi na rin siya makapagsalita.
Dahil dito ay agad inaresto si Cruz sa reklamong attempted murder, assault at strangulation o pananakal.
Sa ngayon ay hindi pa rin makagalaw at makapagsalita si Henriquez kaya sumailalim na ito sa operasyon para mapagsama-sama uli ang mga napinsala niyang buto.
Sa kasamaang-palad ay hindi na raw niya magagawa pa ang makapaglakad dahil sa tindi ng tinamo mula sa suspek.
Kasalukyan na ring idinala sa Rikers Island si Cruz na may bonong nagkakalahaga ng $125,000 o mahigit P6 million.