Babae, timbog matapos mambiktima sa Facebook Marketplace

Nahuli ng mga awtoridad sa pamamagitan ng entrapment operation ang isang babae na nambibiktima sa Facebook Marketplace sa pamamagitan nang pagbebenta online ng mga frozen meat.

Ayon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group, ikinasa ang nasabing entrapment operation kahapon sa Smart Padala, Padre Burgos St., Repolyo, San Roque sa Cavite City.

Nag-ugat ang operasyon makaraang magsumbong sa mga awtoridad ang biktimang si Emanuel Dela Cruz ng Novaliches, Quezon City laban sa suspek na si Romelyn Lobaton, taga-Canacao Bay Samonte Park, Cavite City.


Reklamo ng biktima, nakipagtransaksyon siya sa suspek sa pamamagitan ng FB Marketplace kung saan bumili siya rito ng 27 kilos ng beef at 15 kilos ng chicken sa halagang ₱12,173.

Pagkabayad umano niya ay bigla na lamang siyang binlock sa FB Messenger.

Dito na nagpasaklolo ang biktima sa pulisya kung saan nagpanggap ang mga awtoridad na bibili rin ng frozen meat sa FB account na Maria Cortiz at nang magkasundo na babayaran na ng ₱6,000 sa Smart Padala ay dito na ikinasa ang operasyon.

Sa ngayon, nahaharap ang suspek sa paglabag sa swindling/estafa at Cybercrime Prevention Act of 2012.

Facebook Comments