Binawian ng buhay ang isang babae na limang araw na umanong naghihintay ng bus sa Pasay City para makauwi sa Camarines Sur.
Ayon sa report ng pulisya, Hunyo 5 ng madaling araw nang magtungo sa kanilang himpilan ang isang concerned citizen para ipaalam ang kalagayan ni Michelle Silvertino,33, na noo’y natagpuan niya raw sa isang footbridge sa lugar.
Nilalagnat daw at nahihirapan itong huminga kaya siya humingi ng tulong sa mga pulis.
Agad namang nagtungo ang Pasay City Police sa naturang tulay kung saan natagpuan nila ang wala ng malay na si Silvertino.
Binitbit nila ito sa ospital ngunit nang makarating ay tuluyan na itong namatay.
Naiulat naman sa inilabas na death certificate ng babae na probable COVID-19 ang dahilan ng kanyang pagkasawi matapos siyang isailalim sa swab test.
Agad ding inilibing sa isang sementeryo sa Pasay ang labi ni Silvertino.
Samantala, base sa iniwang salaysay ng kaibigan nito na si Nathanael Alviso, aniya’y matagal na raw itong may sakit sa baga.
Ito raw ang dahilan kung bakit hindi siya nabigyan ng pagkakataong makalipad para makapagtrabaho abroad.
Ayon kay Alviso, Setyembre nakaraang taon nang tulungan nila itong mag-ayos ng dokumento para makapagtrabaho sa Saudi Arabia bilang domestic helper.
Sa kasamaang-palad ay “not fit to work” daw ang lumabas sa kanyang medical examination dahil sa nakita umanong tubig sa kanyang baga.
Napag-iwanan daw ito ng kanyang mga kasamahan kaya nagpasya itong umuwi na lang pabalik na Bicol.
Kwento pa ni Alviso, Mayo nang magpaalam sa kanyang amo si Silvertino para bumalik na sa probinsya kaya agad naman siyang inihatid nito sa Cubao noong katapusan ng buwan.
Inakala umano nila na mayroon ng regular na biyahe nang isailalim sa general community quarantine ang Metro Manila.
Nang makarating daw sa terminal ay naglakad patungong Pasay si Silvertino bitbit ang bagahe kung saan siya inabutan ng ilang araw dahil wala pa rin umanong masakyang bus.
Nang makita ang kanyang larawan sa social media, malayo na raw sa malakas nitong pangangatawan ang babae.
Maisasama na rin daw sana siya sa Balik Probinsya program kung saan kinakailangan niya munang sumailalim sa rapid testing na nakaplano sana noong Hunyo 6.
Labis naman ang pangungulila ng naiwan niyang apat na malilit pang anak.