Inimbitahan sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) ang babae sa isang viral video ngayon dahil sa hindi pagsusuot ng helmet habang sakay ng motorsiklo.
Sa naturang video, makikita ang uploader mismo na si Rosemarie Peñamora Tan na emosyonal na kumakanta habang bumibiyahe kasama ang isa pang babae at lalaking drayber ng motor.
Sinabi ng LTO-NCR sa Facebook post nitong Lunes na bagaman nakikisimpatya ang ahensya sa sinapit ng babae, mahigpit na ipinagbabawal ang kawalan ng helmet at sobrang angkas.
“Masakit isipin na binalewala niya ang 9 years ninyong relasyon, pero mas masakit isipin na binabalewala mo ang iyong kapakanan dahil sa maling tao,” saad ng ahensya.
Nilinaw naman ng LTO na ipinatatawag ang mga angkas upang mapagsabihan at hindi pamarisan, habang ang drayber pa rin naman ang mananagot sa nasabing paglabag.
“Suotin po ang helmet upang makauwi tayo sa ating pamilyang mahigit pa sa 9 years ang pinagsamahan at pagmamahal na hinding-hindi ka iiwan kailanman,” paalala at payo na rin ng ahensya para sa mga tulad ni Tan.
Hugot pa nito, “Ang relasyon ay pangdalawahan lamang. Tulad ng pagsakay sa motorsiklo, bawal ang excess passenger.”
“Sabi nga ng iba, kung talagang mahal mo siya ay hahayaan mo pero huwag mong hayaan na madisgrasya ka dahil lang sa maling tao,” anila.
Samantala, umabot na sa isang milyong views ang viral video mula noong Linggo.