Babaeng driver, nakitang patay at tadtad ng saksak sa loob mismo ng kotse niya

13207
From Facebook/Robyn Jang Lucero

Humihiling ng hustisya ang pamilya ng 34-anyos na babaeng driver na natagpuang patay sa loob mismo ng kaniyang sasakyan sa Calamba, Laguna nitong Linggo.

Sabi ni Angela Lucero, ina ng biktimang si Robyn Jang, palaisipan sa kanila hanggang ngayon kung ano ang motibo ng suspek sa karumal-dumal na krimen.

Pasado alas-10 ng gabi nang makita ng pulisya ang duguang bangkay ng biktima na tadtad ng saksak sa Bucal Bypass Road sa Barangay Maunong.

Batay sa imbestigasyon, rumaraket bilang tagahatid at tagasundo ng pasahero si Robyn Jang makaraang mawalan ng trabaho bunsod ng ipinatupad na community quarantine.

Nagpaalam ang biktima sa kasintahan niyang si Meyah Antonio noong Linggo ng gabi na may ihahatid na tatlong pasahero mula Laguna patungong patungong Gil Puyat Avenue sa Metro Manila.

Makailang beses tinatawagan ni Meyah ang cellphone ng nobya pero hindi raw ito sumasagot. Ilang sandali pa, pulis na raw ang nakausap niya sa kabilang linya at ipinaalam sa kanila ang karumal-dumal na sinapit ng babae.

Wala raw natatandaan ang naulilang kasintahan na kaaway o kagalit ng biktima.




Ayon sa kinauukulan, hindi raw nawala ang mahahalagang gamit ni Jang kagaya ng dalawang cellphone at mga pera.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga kinauukulan para matukoy ang dahilan at kung sino ang nasa likod ng krimen.

Facebook Comments