Babaeng dumukot sa isang bagong panganak na sanggol sa isang ospital sa Marikina, dapat tiyaking mananagot sa batas

Nagpasalamat si Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo dahil ligtas na naibalik sa kanyang mga magulang si Baby Ryu na dinukot ng isang babaeng nagpanggap na nurse sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center kamakailan.

Giit ni Quimbo, hindi dapat maliitin ang bigat ng krimen na ginawa ng suspek kaya nananawagan sya na bilisan ang paglilitis upang maigawad na ang parusa at maging ehemplo ito na hindi dapat tularan.

Ayon kay Quimbo, ang pagdukot sa isang sanggol ay nagdudulot ng habambuhay na sugat at trauma sa buong pamilya ng biktima kaya hindi ito pwedeng palampasin.

Kaugnay nito ay iginiit din ni Quimbo na imbestigahan ang pagkukulang sa seguridad at protocol ng ospital upang matukoy kung may nangyaring kapabayaan o pakikisabwatan sa suspek ng ospital o sinumang kawani nito.

Bukod dito ay hiniling din ni Quimbo sa Department of Health na i-review ang newborn screening, verification system at discharge procedures sa mga ospital.

Facebook Comments