Mindoro – Matapos maaresto ang isang Chinese kamakailan makaraang sabuyan ng taho ang isang pulis sa MRT Boni sa Mandaluyong City, inaresto naman ng mga tauhan ng Puerto Galera Police Station ang isang babaeng Iranian matapos na pasuin ng sigarilyo, sipain at suntukin ang isang Police officer sa Brgy. Poblacion, Puerto Galera Oriental Mindoro kaninang umaga.
Kinilala ang biktimang pulis na si PO2 Ferr Henrick, 33 anyos, miyembro ng Puerto Galera Municipal Police Station sa Brgy. Poblacion, Puerto Galera Oriental Mindoro.
Habang ang suspek na Iranian ay kinilalang si Fereshteh Najafi Marbouyeh, 31, anyos.
Ayon kay PNP MIMAROPA Spokesperson Supt Socrates Faltado alas- 7:30 ng umaga kahapon nang mangyari ang insidente.
Aniya nakatanggap ng tawag ang mga pulis sa Puerto Galera Police Station mula sa Brgy. Chairman ng Brgy. Tabinay dahil sa pagwawala umano ng babaeng foreigner.
Agad na rumesponde ang mga pulis at dinala sa Police station ang banyaga pero sa halip na kumalma ay tuloy tuloy ang pagwawala nito, pinaso ng sigarilyo, sinipa at sinuntok ang police officer.
Dahil dito, kinasuhan ang Iranian ng Direct Assault upon Person in Authority na ngayon ay nakakulong pa rin sa detentin cell ng Puerto Galera Municipal Police Station.