Hustisya ang sigaw ng pamilyang namatayan ng kaanak at sanggol na isinilang nito matapos umanong palipatin ng ibang ospital kahit manganganak na.
Nasawi si Myra Morga, 23-anyos, sanhi ng labis na pagdurugo, very severe anemia at abruption of placenta.
Kuwento ni Rosalyn Morga, nagtungo sila sa Ospital ng Sampaloc noong Oktubre 21 ng hapon dahil manganganak na ang kapatid niya. Pero hindi umano sila tinanggap ng pagamutan at sinabihang lumipat na lamang sa Sta. Ana Hospital.
Wala rin umanong binanggit na dahilan ang medical staff kung bakit sila pinalipat.
Mas lalong lumala ang sitwasyon ni Myra nang pababain siya ng ambulansiya at paglakarin papunta sa lilipatang ospital.
“Ang sinabi ko po, ‘Ma’am baka puwede niyo naman po kaming itutok doon sa harap, maski sa gate lang po ng Sta. Ana Hospital. Hindi raw po talaga pupuwede.”
Sa ibinahagi niyang CCTV footage, makikitang bumaba ang tatlo sa sinakyan nilang ambulansiya.
Idineklarang patay ang lalaking sanggol na isinilang ni Myra pasado alas-12 ng madaling araw.
Makalipas ang dalawang oras, binawian na din ng buhay ang dalaga.
Bukod sa hustisya, humihiling din ng tulong-pinansyal ang naulilang pamilya. Dahil kapos sa pera, pinagsama na lamang sa iisang kabaong ang mag-ina.
Ayon sa Department of Health, hindi tamang pinababa ng ambulansiya ang pasyenteng nangangailangan ng agarang medikal.
Pinaiimbestigahan na ngayon ni Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso ang naturang pangyayari. Nasa ilalim ng lokal na pamahalaan ang dalawang pampublikong ospital.