Iniulat na nawawala ang isang 39-anyos na babaeng may depresyon matapos umalis umano sa isang bahay sa Barangay Pataquid, Sta. Maria, Pangasinan noong umaga ng Disyembre 23, 2025.
Ayon sa ulat ng Sta. Maria Municipal Police Station, personal na humingi ng tulong ang ina ng nawawalang babae matapos hindi na ito makabalik mula nang umalis bandang alas-8:30 ng umaga habang sila ay nagbabakasyon sa lugar.
Kinilala ang nawawala na si Janice Aquino Singh, may-asawa at residente ng Sitio Malasin, Barangay Barat, Umingan, Pangasinan.
Sinabi ng nag-ulat na may mild depression ang biktima.
Inilarawan si Singh na may taas na humigit-kumulang 5’2”, maputi ang kutis, payat ang pangangatawan, at huling nakitang suot ang kulay violet na T-shirt, gray na short pants, at itim na tsinelas.
Patuloy ang koordinasyon ng pulisya at mga kaanak sa paghahanap sa nawawalang babae at hinihikayat ang sinumang may impormasyon na makipag-ugnayan agad sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.








