Pumanaw na ang dalagang nakikipaglaban sa sakit na stage-5 chronic kidney disease, dalawang araw matapos siyang pumasa sa Licensure Exam for Teachers (LET).
Nakaratay sa ospital si Jessa Ganigan, 20, nang bawian ng buhay noong Disyembre 3 ng hapon.
Ayon sa inang si Melody, nadiskubre nilang tinamaan ng malubhang karamdaman ang anak noong Hunyo 2018.
Pero hindi ito naging hadlang kay Jessa para tuparin ang pangarap niya na maging guro.
Kuwento pa ng nanay ng LET passer, patuloy pa din sa pag-aaral ang supling kahit nagdi-dialysis na siya.
Aniya, dalawang beses sa isang linggo ito nagpapagamot at planong sumasailalim sa kidney transplant upang tuluyang gumaling.
Tinutulungan pa din ni Jessa ang kaniyang magulang sa pagtitinda ng isda at nagbabantay din ng flower shop nila.
Naka-confine ang dalaga nang lumabas ang resulta sa nasabing board exam.
“‘Thanks to God nakapasa ako. Dininig mo ang aming panalangin. Salamat sa lahat lahat,’” sabi ni Jessa habang umiiyak sa tabi ng magulang.
Para kay Melody, alam niyang masaya na sa langit ang pinakakamahal na supling dahil nakamit niya ang minimithing tagumpay.
“Hindi mo naisip ang iyong karamdaman bagkus mas lalo kang nagpursige itong matapos at maipasa. Ikaw ‘yong anak na magandang tularan ng karamihan, hindi sumusuko.”