Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ni PCol. Davy Lim-mong, provincial Director ng PNP Kalinga na kabilang ang drayber ng nahulog na sasakyan sa labing tatlong (13) katao na nasawi sa nangyaring trahedya sa barangay Bulo, Tabuk City, Kalinga.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCol. Dave Limmong, Provincial Director ng PNP Kalinga, kanyang sinabi na miyembro ng BJMP na nakatalaga sa Mt. Province ang babaeng drayber ng isang itim na Ford Everest na nahulog sa irrigation canal sa Barangay Bulo dakong alas 6:00 kagabi, April 18, 2021.
Batay aniya sa pagsisiyasat ng pulisya, posible umano na hindi nakontrol ng drayber ang sharp curve na bahagi ng daan kaya’t dumeretso ang sasakyan sa irigasyon hanggang sa lumubog at ikinasawi ng mga biktima na kinabibilangan ng pitong (7) bata.
Ayon naman sa pahayag ng dalawang nakaligtas na sina Edith Andiso Perez, 51 anyos at Cyril Lope Agtulao, 10-taong gulang, nabuksan umano nila ang bintana ng sasakyan kaya’t nakalabas at nakaahon sa irigasyon.
Ibinahagi rin ng Provincial Director na mismong ang kamag-anak din ng mga biktima ang humingi ng saklolo sa mga kabahayan dahil siya mismo ang nakakita sa malagim na insidente.
Mayroon naman aniyang mga signages sa bahagi ng pinangyarihan ng trahedya subalit walang barrier bagay naman aniya na ito’y kanilang tutugunan.
Kaugnay nito, nagpaalala si PCol Lim-mong sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho.
Nagpaabot rin ng pakikiramay ang Provincial Director sa mga naulilang pamilya ng mga biktima.