
Hindi na nakasakay pa ng eroplano ang isang 52- year old babae na patungo sanang Tacloban.
Ito’y matapos magbiro na baka bomba ang laman ng kanyang maleta.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (AVSEGROUP), nangyari ang insidente nang ipatanggal ng airline personnel ang lumang tag sa dalang maleta ng pasahero, upang maging maayos ang labeling na dahilan ng kanilang pagtatalo.
Nang sabihin ng babaeng pasahero na “bomba ata ’yan” ay dito na inalerto ng crew ang NAIA Police Station 3 at Special Operation Unit ng AVSEGROUP.
Agad ding kinordon ang lugar upang maisagawa nang maayos ang pag-inspeksyon ng mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) at Explosive Detection Dog (EDD) sa maleta ng pasahero.
Hindi naman sinampahan ng kaso ang pasahero pero tuluyan nang na-blacklist ang babae sa pagsakay sa kinauukulang airline.










