
Agad na nadakip ng mga tauhan ng MPD Special Mayors Reaction Team (SMaRT) ang isang pekeng parking attendant na babae na nag-viral sa social media dahil sa sobrang paniningil ng parking fee sa Divisoria, Maynila.
Nakilala ang suspek na si Celestina Orola, 45 anyos, na nagpapakilalang tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) kahit hindi empleyado ng nasabing tanggapan.
Nabatid na agad na kumilos ang MPD SMaRT matapos ipinag-utos ni Mayor Isko Moreno ang pagpapahanap at imbestigasyon kaugnay sa naturang reklamo sa Facebook post.
Ayon kay MPD SMaRT Chief Major Edward Samonte, natukoy at nakapanayam na ang babae upang siyasatin ang reklamo kung saan naningil ito ng ₱100 kahit na ₱50 lamang dapat bayaran.
Nanawagan din siya sa iba pang posibleng nabiktima na makipag-ugnayan kaagad sa SMaRT upang makapagsampa ng pormal na reklamo at magbigay ng ebidensyang makatutulong sa kaso.
Tiniyak ng pamahalaang lungsod na hindi nila kukunsintihin ang anumang uri ng panloloko at sisiguraduhing mananagot sa batas ang sinumang mapatunayang lumabag.









