Senintensyahan ng walong taong pagkakakulong ang isang babae sa United Kingdom na nagpanggap bilang 16-anyos na lalaki sa social media upang makapang biktima ng mga kapwa babae.
Guilty sa salang sexual assault ang 21-anyos na si Gemma Watts na nagpakilala bilang Jake Waton sa social media platform gaya ng Snapchat at Instagram, ayon sa The Telegraph.
Ilan sa mga bitkimang natukoy ng awtoridad ay isang babaeng may edad 13, dalawang 14-anyos, at isang 16-anyos.
Sinusubakan na ng pulisya na makipag-ugnayan sa tinatayang higit 50 pang kababaihang nabiktima rin ng suspek.
Ayon sa awtoridad, may mga biktimang napaulat na nangtangkang saktan ang kanilang sarili, habang ang iba ay naapektuhan ang mental health dahil sa pangyayari.
Mula sa North London ang suspek na bumibiyahe kung saan-saan sa bansa para makipagkita sa kanyang mga biktima.
Itinatago ni Watts ang itsurang babae sa pagtatali ng buhok at pagsusuot ng sombrebro, pagdadamit ng maluluwag na pantaas at pambaba tuwing pupunta sa bahay ng biktima.
Matapos dakpin ng awtoridad, sinabi ni Watts na laro lamang ang ginagawa niya at gusto niya lang “i-cheer up” ang mga biktima.
Isang hukom ang nagpuntong pinuntirya ng suspek ang mga babaeng mahihina, biktima ng bullying, at mababa ang pagpapahalaga sa sarili.
Kumbinsido rin ang hukom na mababa ang intelligence quotient (IQ) ni Watts at may isyu ito sa kanyang sekswalidad.