Babaeng nagpumilit lumusot sa barangay na naka-total lockdown, kalaboso

Arestado ang isang babaeng nakipagtalo sa mga pulis at nagpumilit pumasok sa Barangay 156 sa Caloocan City na nasa ilalim ng hard lockdown nitong Huwebes.

Kinilala ang suspek na si Mickaela Manzol, 27, residente ng Barangay 157 sa Bagong Barrio.

Ayon sa pulisya, Huwebes ng hapon nang magtangkang pumasok si Manzol sa nasabing barangay nang walang face mask at quarantine pass.


Ipinaliwanag sa babae ang tungkol sa lockdown, ngunit sinabi nitong wala siyang pakialam sa mga pulis at puwersahang pumasok sa barikada.

Base sa viral video ng insidente na tumagal ng higit limang minuto, may isang puntong namura pa ni Manzol ang mga humaharang na pulis at sinabing, “Mga g*g* pala kayo! Pinagtutulungan niyo ako porke babae ako!”

Dito na napilitan ang awtoridad na arestuhin ang babae na dinala sa New Caloocan City Hall, kung saan siya inisyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR).

Nahaharap din siya sa paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act, reklamong unjust vexation, alarm and scandal, at resistance and disobedience to a person in authority.

Facebook Comments