Babaeng naturukan ng Glutathione sa isang SPA, paiimbestigahan na ni Isko

Pina-iimbestigahan na ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagkamatay ng isang babae makaraang maturukan ng Glutathione sa isang SPA sa Maynila.

Ayon kay Cesar Chavez, ang Chief of Staff ni Moreno, inatasan na ng alkalde ang Manila Health Department at Manila Bureau of Permits para kumuha ng mga impormasyon ukol sa insidente.

Noong Lunes, isang 33-anyos na babae na nakilalang si Shyril Distor ang nasawi matapos na magpaturok ng Glutathione sa Glutaholics SPA na matatagpuan sa Sampaloc.


Ayon sa imbestigasyon ng Manila Police District, nang maturukan ng gluta ang biktima ay nawalan ito ng malay. Dinala pa ang babae sa UST Hospital kung saan siya binawian ng buhay.

Paliwanag naman ni Chavez, depende sa mga makakalap na ebidensya ang pagpapasya kung ipapasara o hindi ang SPA.

Dapat ding malaman kung may kapabayaan sa naging proseso ng pagturok ng Glutathione sa biktima.

Batay sa SPA, ang na-inject sa babae ay Aqua Skin-Diamond Pro Ultra White-140, na manufactured ng Skinnic Laboratories, at isang Ampule ng Ascorbic Acid na Vitarex-C, na gawa ng Grand Pharmaceutical Company.

Facebook Comments