Babaeng NPA na kabilang rin sa tinaguriang Morong 43, napatay ng militar sa sagupaan sa Oriental Mindoro

Patay ang isang babaeng rebelde na miyembro rin ng tinaguriang “Morong 43” nang muling magkaroon ng engkwentro sa pagitan ng Militar at New People’s Army (NPA) sa Barangay Mangangan Uno, Baco, Oriental Mindoro kahapon.

Ayon kay Captain Jayrald Ternio, Spokesperson ng Army’s 2nd Infantry Division, ang nasawi ay kinilalang si Lorelyn Saligumba alyas Fara, Political Instructor ng Platoon Dos ng Kilusang Larangan Gerilya – Ignacio Clafero Magadia ng New People’s Army na miyembro rin ng Morong 43.

Sa ulat, rumesponde ang militar sa tawag ng isang concerned citizen kaugnay sa presensya ng sampung NPA sa Barangay Mangangan Uno dahil sa sapilitang pangunguha ng pagkain ng mga ito.


Dahil dito, naganap ang engkwentro sa lugar sa ikalawang pagkakataon mula nang nakalipas na Linggo.

Nakuha sa mga NPA ang matataas na kalibre ng armas, pampasabog at mga mahahalagang dokumento

Ayon naman kay M/Gen. Arnulfo Marcelo Burgos, Commander ng 2nd Infantry Division, ang naging hakbang ng mga rebelde ay patunay lang na unti-unti nang lumalaylay ang suporta ng NPA Central Committee sa kanilang mga tauhan.

Facebook Comments