Babaeng pasahero, arestado sa pagnanakaw ng cellphone sa Bohol-Panglao Airport

Naaresto ng mga tauhan ng Bohol-Panglao International Airport Police Station ang isang babaeng pasahero dahil sa kasong pagnanakaw ng cellphone sa Arrival Area ng Bohol-Panglao International Airport sa Brgy. Tawala, Panglao, Bohol.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, isang 24-year old na babaeng OFW mula Bohol na kararating lamang mula Maynila ang biktima.

Naiwan umano niya ang kanyang cellphone sa loob ng isang restroom cubicle nang balikan niya ito ay may tao na sa loob ng cubicle.

Paglabas ng babae, tinanong ng biktima kung nakita nito ang kanyang cellphone ngunit itinanggi ng suspek.

Ang suspek na nakilalang isang 34-year old ay mula Pasig City, na kapwa rin pasaherong galing Maynila na sumakay ng hotel transfer van matapos ang insidente.

Kaaagad na rumesponde ang mga pulis at nagsagawa ng inspeksyon sa gamit ng suspek, ngunit walang nakita.

Sa masusing paghahanap sa loob ng van, natagpuan ang nawawalang cellphone na nakatago sa ilalim ng upuan ng driver.

Dahil dito, agad na inaresto ang suspek at dinala sa Bohol-Panglao International Airport Police Station para sa kaukulang disposisyon at karagdagang imbestigasyon.

Facebook Comments