Babaeng Pinatay ng Live-in Partner, Natagpuan sa Sagingan!

*Cordon, Isabela- *Natagpuan ng mga otoridad ang walang saplot na bangkay ng isang babae na pinatay at itinapon ng mismong live-in partner sa sagingan malapit sa kahabaan ng Brgy. Anonang, Cordon, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Maicar Ortiz, 18 anyos habang ang suspek at live-in partner nito ay nakilalang si Junson Sala, 23 anyos, kapwa residente ng nabanggit na lugar.

Batay sa nakuhang impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan, ganap na alas dyes y medya ng umaga kahapon nang makatanggap ng tawag ang PNP Cordon mula kay Brgy Captain Gipolt ng Brgy. Anonang kaugnay sa nakitang bangkay ng biktima na nakahandusay sa plantasyon ng saging.


Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat ng PNP, pauwi sa kanilang bahay galing sa kasalan ang dalawang nakainom na mag live-in partner nang magkaroon ng alitan ang mga ito kaugnay sa perang ibinigay ng suspek sa biktima na nagkakahalaga ng mahigit kumulang dawampung libong piso.

Nagresulta ito sa panununtok at pananakal ng suspek sa biktima na sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Agad namang hinila ng suspek ang katawan ng biktima at itinapon sa sagingan upang maitago ang krimen.

Sa pagresponde at ginawang hot pursuit operation ng mga otoridad ay nadakip ang suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP Cordon at mahaharap sa kasong Pagpatay.

Facebook Comments