Huli ang isang babaeng pulis sa ikinasang operasyon ng Philippine National Police- Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) sa harap ng isang mall sa Doña Imelda, Quezon City kahapon matapos na mangotong sa mga online seller.
Kinilala itong si PSSg. Clarissa Dela Cruz, nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO) – Regional Personnel Holding and Accounting Unit (RPHAU).
Sa ulat ng PNP-IMEG, si Dela Cruz ay rumakaket sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga face shields online.
Naging ka-transaksyon nito ang mga biktimang sina Mrs. Alla, Mr. Gilbert Ardona at Ms. Pandapatan.
Pero ang kanilang online business transaction ay nauwi sa away.
Hindi raw kasi nakatupad sa usapan sina Mr. Gilbert Ardona at Ms. Pandapatan na kontak ni Mrs. Alla kaya kinasuhan ng estafa at inaresto ng mga tauhan ng Police Station 4 Novaliches, Quezon City ang tatlo noong August 19, 2020 matapos magreklamo ang babaeng pulis.
Pero sa halip na ituloy ang kasong estafa laban sa mga suspek, nagdemand ang pulis na si Dela Cruz sa mga naarestong biktima na bayaran siya ng ₱40,000 hanggang ₱50,000 bilang kabayaran sa naunsyaming business transactions.
Ang malala pa, dinala ni Dela Cruz sa kanyang bahay sa Sampaloc, Manila si Mrs. Alla at naghintay ng ₱10,000 para mai-release ito.
Sa ngayon, nakakulong na ang suspek at nahaharap sa kasong kriminal at administratibo.