Cauayan City, Isabela- Tinanghal bilang Top 2 sa Ten Outstanding Association of Police Officers via Lateral Entry (APOLE) sa buong bansa si Police Lieutenant Colonel Andree C Abella, dating Information Officer ng Police Regional Office (PRO) 2.
Tinanggap ni PLTCOL Abella ang prestihiyosong parangal sa katatapos na ika-18 APOLE National Convention and 8th Lateral Entry Day na may temang “Patuloy ang Pagseserbisyo, Pagkakaisa at Pagtutulungan sa gitna ng Pandemya” sa PNP National Headquarters, Camp Rafael Crame, Quezon City.
Nagpasalamat naman si Abella sa lahat ng mga PNP Personnels sa lambak ng Cagayan na nagsilbing instrumento para makamit ang nasabing parangal.
Payo naman nito sa mga kagayang pulis lalo na sa mga opisyal na gawin ng mabuti at mahusay ang kanilang trabaho at pagbibigay serbisyo sa publiko.
Ilan sa mga nagawa ni PLTCol Abella ay ang pagtatayo ng Kindergarten sa Quirino Police Provincial Office (QPPO), pagtatayo ng mini library sa Office of the Regional Staff at pagsasagawa ng relief operations sa mga pamilyang sinalanta ng nakaraang bagyong Ulysses.
Itinatag at pinangunahan din ni PLTCol Abella ang News Blast, radio, TV Broadcasting at Facebook Live Reporting para sa pagpapalabas at pagbibigay impormasyon kaugnay sa mga programa at accomplishments ng PRO2.
Kaugnay nito, mismong si PNP Chief Police General Dionardo Carlos ang nag-abot ng plaque bilang pagkilala kay PLTCol Abella.