Babaeng Rider, Patay dahil sa Gulong!

*Tuguegarao City-* Patay ang isang ginang matapos aksidenteng matumbok ng natanggal na dalawang gulong ng isang trailer truck sa pambansang lansangan ng Brgy. Libag Sur, Tuguegarao City, Cagayan.

Nakilala ang biktima na si Julie Pearl Natan, 33 taong gulang, tubong Roxas City, Capiz na naninirahan sa Brgy. Dadda, Tuguegarao City.

Sa inisyal na report ng mga awtoridad, binabaybay ng biktima ang lansangan lulan ang minamanehong Honda Wave patungong South direksyon nang mag-overtake ito sa kanang bahagi ng sinusandang Trailer Truck at biglang kumalas ang dalawang gulong ng truck na tumama sa biktima.


Nawalan ng kontrol sa manibela ang biktima matapos itong matumbok ng natanggal na gulong kaya’t nagtamo ito ng mga bali sa kanyang katawan.

Dinala naman sa pagamutan ang biktima para sa karampatang lunas subalit idineklara din ito na Dead on Arrival (DOA).

Nasa kustodiya na ng Tuguegarao City Police Station ang suspek na si Henry Paraggua, 52 anyos, may-asawa, drayber at residente ng Brgy. San Jose, San Pablo, Isabela para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments