Naaresto na ng isang babae na sangkot umano sa modus ng pagtangay sa mga sasakyan sa kasunduang “assume balance.”
Kinilala ang suspek na si Luisel Estaris na ang modus ay kakausapin ang mga biktima na kukunin ang sasakyan na naka-loan at papangakuan na siya na ang magtutuloy sa naiwang balanse nito bangko o “assume balance.”
Pero kapag nakuha na ang sasakyan, hindi nito tutuparin ang kasunduan at mawawala na lang kasama ang tinangay na sasakyan.
Naniniwala naman si National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief Director Guillermo Eleazar, na may mas malalaking tao na nasa likod ni Estaris tulad ng mga financier.
Pag-amin ng suspek, may kasabwat sila sa loob ng mga ahensya ng gobyerno para makapag-produce ng mga papeles ng sasakyan gamit ang mga original na papel ng Land Transportation Office (LTO).
Mayroon din aniya silang “contact sa loob” na nag-aalis ng alarma sa mga tinatangay nilang sasakyan.
Kasabay nito, tiniyak ng LTO na hindi nila kukunsintihin ang mga tiwali kaya oras na kilalanin ang umano ay mga kasabwat ni Estaris kanila itong paparusahan.
Nagbabala naman si Eleazar sa mga nagbebenta ng sasakyan na huwag basta-basta magtitiwala sa kanilang mga nakakausap.