Manila, Philippines – Asahan na ang mas matinding trapik ngayong araw dahil marami na ang nag-uuwian sa mga probinsiya para sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Sa dami ng pasahero, wala nang “reservation” sa mga ordinary bus sa ilang terminal kung saan first-come, first-served basis na ang bentahan ng tickets.
Mas matiwasay naman ang sitwasyon sa bus stations na may biyaheng papuntang norte.
Naniguro na rin ang ibang bus companies at kumuha na ng special permit sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Samantala sa Ninoy Aquino International Airport, binabantayan na rin ang pagdami ng tao.
Lalo kasing nagmumukhang siksikan sa paliparan dahil sa dami ng mga sumasalubong at naghahatid sa kanilang mga bibiyaheng mahal sa buhay.
Sa tala ng airport authorities, tumaas na rin ang bilang ng mga bumibiyahe ngayong araw, mapa-domestic o international flights man.