BABALA | DFA, nagbabala sa bagong human trafficking scheme

Manila, Philippines – Nagbabala ang Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa bagong human trafficking scheme ng mga sindikato sa mga naghahanap ng trabaho sa Dubai matapos masagip ang dalawang Pilipino sa Basra, Iraq.

Ayon sa DFA, nangangako ang mga sindikato na babayaran nito ang lahat ng gastos ng mga Filipino na nagnanais na makapunta ng Dubai para makahanap ng trabaho na may malaking sweldo.

Pero pagdating ng mga biktima sa Dubai gamit ang tourist visa ay pagta-trabahuin sila doon nang walang sweldo at idadahilan sa kanila na bahagi ito ng kanilang training.


Oras na mag-expire ang visa ng mga biktima ay pipilitin naman sila na magtrabaho sa Iraq.

Kung tatanggi ang mga biktima ay pagbabayarin sila ng 3,000 US dollar bilang bayad sa gastos ng kanilang deployment sa Dubai.

Paliwanag ng DFA, dinadaan ang mga biktima sa Erbil ng Kurdistan Region ng Iraq at pagkatapos ay inii-smuggle sila sa Baghdad o Basra.

Giit pa ng DFA, nananatili ang deployment ban sa Iraq kaya inabisuhan ang mga nais magtrabaho sa ibang bansa na lumapit na lamang sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Facebook Comments