Manila, Philippines – Nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko kaugnay sa pagbili ng mga regalo ngayong Pasko sa online shopping o sa internet.
Ayon kay Undersecretary Ruth Castello, bago bumili ng produkto ay magbasa muna ng mga reviews sa internet.
Ito ay para malaman kung positibo o negatibo ba ang kumento ng mga consumers sa produkto.
Sabi ni Castelo, huwag magpapadala sa mga larawan na nakikita sa online shopping dahil marami sa mga ito ay hindi kasing ganda ang aktwal na produkto.
Mas maganda rin aniya kung cash on delivery ang mode of payment kesa sa credit card.
Babala pa ng DTI na busisiing maigi kung may warranty o product return policy ang bibilhing produkto para kung hindi nagustuhan o agad itong nasira ay maaari pang maibalik sa retailer.