Manila, Philippines – Nababala ang National Movement for Free Elections (NAMFREL) at ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa posibleng dayaan at kalituhan sa halalan sa Lunes, Mayo 14.
Ayon kay Tony Villasor, PPCRV executive director, mainam na ihanda ng mga botante ang kanilang cellphone camera para sa vote buying dahil maaaring magkabayaran bago pumasok sa presinto o pagkatapos bumoto.
Aniya, mayroon ding binabayaran para huwag nang bumoto para mabawasan ang boto ng kalaban.
Nakiusap din si Villasor na huwag magpadala sa pera o utang na loob ang mga botante.
Tiniyak naman ng NAMFREL na isa sa mga babantayan nila ang mga ballot box na dapat masigurong walang laman bago magbukas ang mga presinto alas-7 ng umaga sa Lunes.
Magtatayo naman ng mga assistance desk ang PPCRV para sa mga maghahanap ng kanilang polling precinct at para sa mga senior citizen, buntis at persons with disability.