Manila, Philippines – Binalaan at pinag-iingat ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko sa pagbili at paggamit ng mga mosquito coil o katol na hindi nakarehistro sa kanila.
Partikular na tinukoy ng FDA ang Wawang High Quality Mosquito Coil Pesticide na posibleng mapanganib sa kalusugan ng tao.
Ayon sa FDA Regulatory Enforcement Unit (REU), noong July 11, 2017 pa ipinagbawal ang pagbebenta ng naturang produkto sa ilalim ng FDA order no. 2017-034 na inilabas ni FDA Director General Nela Charade G. Puno.
Napag-alamang patuloy ang bentahan ng nasabing katol sa ilang mga lugar tulad ng Baseco Compound kung saan walong tindahan ang nakitaang nagbebenta nito.
Sinabi pa ng FDA ang posibleng epekto sa kalusugan ng mga consumers na gumagamit ng mga substandard o posibleng hinaluang mga pesticide tulad ng skin irritation, respiratory orders, brain damage at iba pa.