BABALA | Isang senior citizen nabiktima ng nagpapanggap na engineer sa city hall sa Maynila

Manila, Philippines – Nagbabala ang mga otoridad hinggil modus ng nagpapanggap na engineer sa city hall para makikilan ang mga nagpapaayos ng bahay.

Ito ay matapos mabiktima ang isang senior citizen sa lungsod ng Maynila na nagpapaayos ng bahay.

Ayon sa biktima, hindi na sila kumuha ng building permit dahil simpleng renovation lang ng kuwarto ang kanilang pinapagawa.


Pero sinabihan aniya sila ng mga suspek na may penalty na silang babayaran dahil sa kawalan ng permit.

Dito na iminungkahi ng mga suspek na magbigay na lang ng P25,000 para sila na ang maglalakad ng permit.

Ibinigay naman ng biktima ang pera saka nagpunta sa MPD Station 4 para iberipika ang pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek na nagpakilalang si “Nicanor Reyes.”

Pero sabi ni PO1 Danny Kabigting walang Nicanor Reyes sa tanggapan ng engineer’s office ng Manila City Hall.

Dahil nakunan naman sa CCTV, pinaghahap na ang sasakyang ginamit ng mga suspek sa kanilang modus.

Facebook Comments