Iloilo – Ibinabala ng Private Electric Power Operators Association o PEPOA ang pataas ng singil ng kuryente sa Iloilo City at mga karatig-lugar kasunod ng pag-apruba ng Kongreso at Senado sa prangkisa ng MORE Power bilang bagong power distribution company sa Panay.
Una rito ay inaprubahan ng Kongreso ang aplikasyon ng More Power nitong October 8 at hindi tinugon ang renewal application ng Panay Electric Company o PECO na siyang nagsusuplay ng kuryente sa Iloilo City at mga karatig-lugar sa nakaraang 95 taon.
Pagkaraan naman ng dalawang public hearing ay sinabi ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe na tapos na ang deliberasyon ng Senado at aprubado na ang prangkisa ng More Power.
Ayon kay PEPOA President, Atty. Ranulfo Ocampo, ang duplikasyon ng suplay ng kuryente sa nasabing lugar at pagkakaroon ng isang kumpanyang walang kasanayan sa negosyo ng kuryente ay magdudulot lang ng karagdagang pasanin sa mga consumer ng Iloilo.
Ipinunto pa ni Ocampo na hindi sapat na batayan ng hakbang ng Kongreso at Senado na tanggihan ang aplikasyon ng PECO dahil sa mga reklamo ng mga kostumer nito.
Diin ni Ocampo, malinaw sa rekord ng Energy Regulatory Commission na wala pang isang porsiyento sa mahigit 60,000 kostumer ng PECO ang nagsampa ng reklamo laban dito.
Dagdag pa ni Ocampo, isa rin ang PECO sa 15 porsiyento ng higit 140 power distribution utility sa bansa na nangunguna ang operasyon.