BABALA | PNP, nagbabala sa modus na oplan tokhang para makapangikil ng pera

Manila, Philippines – Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko hinggil sa modus na sasabihan kang kabilang sa drug watchlist para makapangikil ng pera.

Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, modus ng masasamang loob na tawagan ang kanilang biktima para sabihan na ito ay kabilang sa drugs watchlist ng barangay o kaya naman ay may standing warrant of arrest laban sa kanila.

Sabi pa ni Albayalde, minsan ay gumagamit pa ang mga suspek ng mga pangalan ng ilang opisyal sa PNP.


Aniya, hindi lang cellphone kung hindi pati landline ay ginagamit din ng masasamang loob para makapanloko.

Maliban rito, gumagamit din aniya ang mga ito ng automated voice recording.

Giit naman ni Albayalde, dumadaan sa tamang proseso ang mga pulis sa pagbibigay-alam sa mga taong may warrant of arrest.

Aniya, hindi nila ito basta-basta tinatawagan at hindi rin sila nagpapabayad para lamang mabura ang pangalan sa drug watchlist.

Ang ginagawa ng PNP ay isasailalim nila ang “subject” sa surveillance at intelligence build-up pero hindi nila ito ipinapaalam sa mismong “subject.”

Payo ng pulisya sa publiko, agad ipagbigay-alam kung makatanggap ng mga ganitong tawag o mensahe.

Facebook Comments