Muling pinayuhan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) laban sa naglipanang illegal recruiters.
Sa POEA Advisory No. 53-2018 ibinunyag ng ahensya na ilang skema ang ginagawa ngayon ng illegal recruiters sa pagpapadala ng mga OFWs sa Malta kabilang dito ang unauthorized recruitment, third country hiring, contract substitution at labis labis na paniningil ng placement fees.
Kasunod nito pinapayuhan ng POEA ang mga OFWs na makipagtransaksyon lamang sa mga otorisadong Philippine Recruitment Agencies at iberipika ang job order sa kanilang website o di naman kaya ay tumawag sa POEA hotline na 722.11.44.
Paalala pa ng ahensya ang mga OFWs na ipapadala sa Malta ay dapat magmula sa Pilipinas at hindi sa ibang bansa habang ang placement fee ay katumbas lamang dapat ng isang buwang sahod ng ire-recruit na OFW.