Manila, Philippines – Nagbabala sina Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Panfilo Ping Lacson at Senator Francis Kiko Pangilinan laban sa plano ng Philippine National Police o PNP na muling buhayin ang grupong Alsa Masa.
Ayon kay Lacson, posibleng magdulot ng panganib at matinding problema sa kapayapaan at kaayusan ng bansa kapag hindi nakontrol ng PNP ang Alsa Masa.
Giit ni Lacson sa PNP, ikonsidera ang leksyon mula sa paggamit noon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Kuratong Baleleng group ni Octavio Parojinog para labanan ang mga rebelde sa Davao City at iba pang lugar sa Mindanao na sa bandang huli ay naging organisadong grupo din ng mga kriminal.
Ipinaalala naman ni Senator Pangilinan sa PNP na noong 1980, ang Alsa Masa, ay naging talamak sa pag-abuso, paghahasik ng karahasan at paglabag sa karapatang pantao.
Nangangamba si Pangilinan, na ang plano ng PNP ay magbigay ng ngipin sa mga tiwali at abusadong pulis para manggahasa, pumatay at gumawa ng iba pang krimen laban sa mga walang kalaban-labang mamamayan.