BABAWASAN | Sen. Poe, nagbantang tatapyasan ang DOTr budget

Manila, Philippines – Ayaw sana ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe na ipitin o tapyasin ang panukalang P74.3 billion na budget ng Department of Transportation o DOTr para sa 2019.

Pero mapipilitan si Senator Poe na gawin ito kapag nabigo ang DOTr na idepensa ang Public Utility Vehicle o PUV modernization program.

Pangunahing bubusiin ni Senator Poe ang ibibigay na tulong ng DOTr sa 900,000 jeepney drivers at operators na maaapektuhan ng modernisasyon.


Sa tingin ni Poe, hindi sapat ang 80,000 na subsidy na ipagkakaloob ng gobyerno para makabili ng bago at modernong jeep na nagkakahalaga ng 1.2 hanggang 1.6 million pesos.

Nais ding alamin ni Senator Poe kung ano ang arrangement ng DOTr sa mga bangko kung saan dapat matiyak na mababa lang ang tubo na ipapataw para sa mga pautang pambili ng bagong jeep.

Nilinaw naman ni Senator Poe na hindi siya kontra sa PUV modernization pero nais niyang matiyak na maayos ang proseso nito at sapat ang ayudang matatanggap ng mga maapektuhang driver at operators.

Facebook Comments