BABAWIIN | PNP – doble kayod para mabawi ang bilyun-bilyong halaga ng shabu

Manila, Philippines – Aminado si PNP Chief Director General Oscar Albayalde na kailangan nilang magdoble-kayod para mabawi ang sinasabing 6.8-billion pesos na halaga ng shabu na naipuslit sa Manila International Container Port (MICP).

Inaalam na ngayon ng PNP kung ang ilan sa mga nakumpiskang droga sa kanilang operasyon ay bahagi ng nawawalang shabu.

Buwan ng Agosto nang makumpiska ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC) ang mahigit 500 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng 4.3-billion pesos.


Kasunod nito ay lumabas ang mga ulat na umaabot sa P6.8 billion na halaga ng droga na nakasilid sa mga magnetic lifter ang naipuslit sa MICP.

Makalipas ang ilang araw ay nadiskubre ang nasabing mga magnetic lifter sa General Mariano Alvarez, Cavite pero wala na itong laman.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng mga otoridad na negatibo sa shabu ang mga magnetic liftyers pero nanindigan ang PDEA na may laman itong shabu base na rin sa resulta ng x-ray images at pag-amoy ng kanilang mga drug-sniffing dogs.

Umapela naman si Albayalde sa mga ahensya ng pamahalaan na itigil muna ang sisihan sa halip ay magtulong-tulong para maging matagumpay ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Facebook Comments