Manila, Philippines – Sa pagkakaalam ni Senator Panfilo Ping Lacson, may mga Senador ang posibleng bumawi ng suporta sa resolusyon na nagpapahayag ng pagkontra ng Senado sa pagpabor ng Supreme Court sa quo warranto petition na nagpatalsik kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Senator Lacson, mismong si Senate President Tito Sotto III ang nagsabi sa kanya na mayroon silang mga kasamahan sa mayorya na planong bumawi sa kanilang mga lagda sa nabanggit na resolusyon.
Bukod dito, sinabi ni Lacson na may mga Senador na nagpahiwatig sa kanilang viber message na uurong na sa pagsuporta sa nabanggit na resolusyon.
Sinabi ito ni Lacson matapos ang kanyang paglalahad ng katwiran sa plenaryo na ang nabanggit na resolusyon ay naglalayong manghimasok sa kapangyarihan ng kataas taasang hukuman.
Ayon kay Lacson, mas mainam na pabayaan ang Supreme Court na resolbahin ang isyu ukol sa quo warranto petition laban kay Sereno.
Paliwanag ni Lacson, hindi dapat kumilos ang Senado dahil aakto itong impeachment court at silang mga Senador bilang mga hurado sakaling ituloy ng kamara na iakyat sa kanila ang articles of impeachment laban kay Sereno