Back Rider-Patay, Isa Sugatan sa Salpukan ng Motorsiklo at Bus sa Cauayan City, Isabela!

*Cauayan City, Isabela- *Agad rin na binawian ng buhay sa pagamutan ang isang back rider matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa isang bus sa maharlika highway partikular sa harap ng AFP at PNP housing Minante 2, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang nasawi na si Alexander Jose, 49 anyos, magsasaka at residente ng Brgy San Antonio, Ilagan City, Isabela habang ang driver ng motorsiklo ay si Fernando Talledo, 45 anyos, construction worker at residente ng Sindun Bayabo, Ilagan City.

Samantala, ang suspek at driver naman ng bus ay si Ray Leonard Ermitanio, 31 anyos, walang asawa at nakatira sa Bambang, Nueva Vizcaya.


Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, magkasalungat na binabagtas nina Talledo at Ray ang naturang lansangan nang mag-overtake sa kasunod na sasakyan si Talledo at habang nag-o-overtake ay nabangga nito ang kasalubong na bus.

Tumilapon ang dalawang sakay ng motorsiklo na agad namang dinala sa pagamutan subalit idineklara nang Dead on Arrival si Alexander Jose.

Dinala sa himpilan ng PNP Cauayan City ang tsuper ng bus para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon habang ang driver naman ng Motorsiklo ay naka hospital arrest.

Inihahanda na ng PNP ang kaukulang kaso na kakaharapin ng mga suspek.

Facebook Comments