Backlog sa driver’s license, target na resolbahin sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan

Target ng Land Transportation Office (LTO) na agad maresolba ang problema sa backlog sa plastic cards para sa paggawa ng driver’s license.

Sa panayam pagkatapos ng budget hearing ng Department of Transportation (DOTr) sa Senado, sinabi ni LTO Chief Asec. Vigor Mendoza II na 2.4 million ang backlog sa plastic cards pero kakayanin naman itong maibigay dahil nasa 5.2 million ang na-i-order nilang plastic cards mula sa supplier.

Sa loob aniya ng dalawa hanggang tatlong buwan ay sisikapin na maresolba ang backlog sa driver’s license.


Matapos mag-expire ang temporary restraining order sa deliveries ng cards, tuluy-tuloy na ang paghahatid ng plastic cards sa LTO para makagawa ng lisensya.

Ngayon lamang linggo ay nakaka 200,000 na cards na ang na-i-deliver sa LTO at umabot na sa 300,000 na cards ang naihahatid ng supplier.

Kung magpapatuloy ang deliveries sa cards ay target na makagawa ng 1 million na license cards hanggang sa katapusan ng Setyembre.

Samantala, sa buwan naman ng Oktubre target na matugunan ng LTO ang delay sa mga plaka.

Aabot sa 80,000 ang backlog sa license plates ng motor vehicles, habang 13 million naman sa motorcycles.

Facebook Comments