Sa pagdinig ng House Committee on Transportation ay inihayag ni Land Transportation Office o LTO Chief at Assistant Secretary Vigor Mendoza na bumaba na ang “backlogs” ng mga plaka ng mga sasakyan.
Ayon kay Mendoza, aabot pa sa lagpas 12.5 million ang backlogs ng vehicle plates pero kanyang nilinaw na wala nang backlog para sa mga motor vehicle at ang backlog ay ang mga kailangang palitan na “green plates” tungo sa “black and white.”
Sabi ni Mendoza, nasa mahigit 3.3 milyon na lang ang bilang nito simula pa noong taong 2000.
Binanggit ni Mendoza na mula naman sa dating 11 million ay bumaba sa 9 million ang backlog naman sa plaka ng motorsiklo inaasahang makukumpleto sa ikatlong quarter ng 2025.
Sa pagdinig ay sinabi naman ni LTO Property Section Head Clarissa Ogsimer na gagawin ng 24-oras ang operasyon ng makinang gumagawa ng mga plaka para umaabot 48,000 na plaka ng sasakyan ang maipo-produce nito kada araw.