Wala nang backlog ang Department of Health (DOH) sa paglalabas ng resulta ng mga COVID-19 tests sa bansa.
Ito ang sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire kasunod ng ulat na libo-libong backlogs ang naitala dahil sa quarantine at pagkasira ng ilang equipment ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Ayon kay Vergeire, nakapagsumite na ng mga line list ang mga laboratoryo na nagsasagawa ng COVID-19 test.
Sinabi pa ni Vergeire na wala na rin silang backlogs sa validation process dahil agad naisasalang sa pagsusuri at paglilinis, ang mga natatanggap na impormasyon sa mga kaso ng COVID-19 ng DOH Management Unit.
Kasabay nito, pinaalalahanan naman ni Vergeire ang mga laboratoryo na direktang magbigay ng kopya ng resulta ng COVID-19 test sa indibidwal at lokal na pamahalaan.