Baclaran Church, muling dinagsa ng mga deboto ngayong Ash Wednesday at unang Miyerkules sa buwan ng Marso

Dinagsa ngayon ng mga mananampalataya ang Baclaran Church o National Shrine of Our Mother of Perpetual Help ngayong Ash Wednesday at unang Miyerkules sa buwan ng Marso.

Ito’y kasunod ng pagsasailalim ng Metro Manila sa Alert Level 1 kung saan pinapayagan na ang 100% capacity.

Nasa halos 3,000 indibidwal ang maaaring makapagsimba sa loob at paligid ng Baclaran Church kung kaya’t mahigpit na pinapairal ang safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at physical distancing ng mga deboto.


Nagsimula ang misa ng alas-5:30 ng umaga at magtutuloy-tuloy ito ng hanggang alas-6:30 ng gabi pero mayroon itong halos kalahating oras na gap para magsagawa ng disinfection.

Kasabay nito, wala munang isasagawang pagbabasbas ng mga religious articles at sasakyan pagkatapos ng mga Misa at Novena dahil na rin sa inaasahang dami ng tao na magtutungo sa nasabing simbahan.

Matatandaan na muling ibinabalik ang kinaugaliang pagpapahid ng abo sa noo ng mananampalataya matapos ang dalawang taon dahil na rin sa epektong dulot ng COVID-19.

Ang ibang deboto naman na hindi makakapunta ng simbahan dahil sa banta ng COVID-19, maaari pa rin silang makibahagi sa mga pagdiriwang via livestreaming sa Facebook page at YouTube channel ng Baclaran Church.

Nagtutulong-tulong naman ang mga tauhan ng barangay, Southern Police District Station-3 at mga tauhan ng Baclaran Church para maipatupad ng maayos ang health protocols kontra COVID-19 sa mga nagsisimba gayundin sa mga nagtitinda sa labas ng simbahan.

Facebook Comments