Lumagda sa tripartite agreement ang lokal na pamahalaan ng Bacolod sa national government at AstraZeneca para mabigyan ang kanilang mga residente ng COVID-19 vaccines kapag ito ay available na sa bansa.
Sa Laging handa public press briefing, sinabi ni Bacolod City Mayor at League of Cities of the Philippines Chief Evelio “Bing” Leonardia na kalakip ng pagpirma nila ng tripartite agreement ang non-disclosure agreement sa AstraZeneca.
Ayon kay Leonardia, kabuuang P300 milyon ang inilaan nilang pondo para pambili ng COVID-19 vaccines at handa ang lokal na pamahalaan na magbigay pa ng karagdagang pondo kung hindi ito sasapat.
Target namang mabakunahan ng Bacolod LGU ang nasa humigit kumulang 400,000 nilang populasyon upang makamit ang herd immunity.
Inaasahan aniyang dadating ang bakuna na gawa ng AstraZeneca sa Bacolod sa 3rd quarter ng 2021.
Samantala, magkakaroon aniya ng general assemby ang League of Mayors of the Philippines bukas kasama si Vaccine Czar Carlito Galvez at Food and Drug Administration (FDA) Usec. Eric Domingo upang gabayan ang mga alkalde sa pagprocure nila ng bakuna para sa kanilang mga nasasakupan.