Badyang pagsasara ng ilang pabrika ng tela sa bansa, binabantayan ng DOLE

Nakaantabay ngayon ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa badyang pagsasara ng ilan pang mga pabrika ng tela sa bansa.

Una rito, napaulat na 4,000 manggagawa mula sa limang apparel company sa Cebu ang nawalan ng trabaho matapos na magpatupad ng retrenchment.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, bunsod ito ng pagbabawas ng produksyon ng mga pabrika dahil sa pagbaba ng demand sa Amerika na pinakamalaking pinagdadalhan ng kanilang mga produkto.


“Ang una nilang plano sana 6,000 workers e, pero nagkaroon ng intervention, negotiation and then eventually naging 4,000 plus,” saad ni Laguesma sa interview ng RMN DZXL558.

“Lahat po ito nakatanggap na ng separation benefits nila at ang Department of Labor and Employment Region Office 7 po ay nagkaroon din ng intervention in terms of jobs fair. Kumbaga sa ano, merong mga kompanya na lumahok na nangangailangan ng mga dagdag na manggagawa,” dagdag niya.

“Pero karamihan po sa kanila, gusto nila mag-start ng kanilang sariling negosyo e, kasi medyo malaki nang kaunti yung natanggap nilang separation benefits.”

Bukod sa jobs fair, nag-alok din ang DOLE ng technical counseling at livelihood program.

Samantala, tiniyak din ng kalihim na handa ang DOLE sa pagbibigay ng tulong sa mga manggagawang posible ring mawalan ng trabaho sa ilang apparel company sa Bataan at Batangas.

“Nakakakita rin siguro tayo ng temporary closure sa areas na merong garment companies like Bataan, Batangas. Nakaantabay na rin ang dyan ang atin pong mga regional personnel kung anong klaseng assistance o interventions ang pwedeng maipagkaloob ng DOLE,” saad ng kalihim.

Facebook Comments